Nag-Aatas na Gamitin ang Wikang Pilipino sa Linggo ng Wika at Opisyal na Komunikasyon at Transaksyon ng Pamahalaan

Kautusang Tagapagpaganap Blg. 187Presidential Issuances

Kautusang Tagapagpaganap Blg. 187, na inilabas noong Agosto 6, 1969, ay nag-uutos sa lahat ng kagawaran at ahensya ng gobyerno sa Pilipinas na gamitin ang wikang Pilipino sa Linggo ng Wika at sa lahat ng opisyal na komunikasyon at transaksyon pagkatapos nito. Layunin nitong paunlarin at palaganapin ang wikang pambansa bilang bahagi ng nasyonalismo, na nakatutulong sa kaunlaran at pagkakaisa ng bayan. Ang kautusan ay nilagdaan ni Pangulong Ferdinand E. Marcos bilang pagtupad sa mga probisyon ng Saligang-Batas at Batas Komonwelt Blg. 570.

August 6, 1969

KAUTUSANG TAGAPAGPAGANAP BLG. 187

NAG-AATAS SA LAHAT NANG KAGAWARAN, KAWANIHAN, TANGGAPAN AT IBA PANG SANGAY NG PAMAHALAAN NA GAMITIN ANG WIKANG PILIPINO HANGGA'T MAAARI SA LINGGO NG WIKANG PAMBANSA AT PAGKARAAN NITO, SA LAHAT NANG OPISYAL NA KOMUNIKASYON AT TRANSAKSYON NG PAMAHALAAN

SAPAGKA'T ang pagpapaunlad at pagpapalaganap ng isang wikang pambansang Pilipino na itinatadhana ng Saligang-Batas at ng Batas Komonwelt Blg. 570 ay isa sa mga pangunahing layunin ng pangasiwaang ito; at SDEHCc

SAPAGKA'T ang ating wikang pambansa, na tinatanggap na at nakikilala ngayon ng lahat bilang "Pilipino" ay isa sa mga mahalagang sangkap ng nasyonalismo na makapagbubunsod sa ating bayan sa ibayong kaunlaran, katiwasayan at pagkakaisa;

DAHIL DITO, ako, FERDINAND E. MARCOS, Pangulo ng Pilipinas, sa bisa ng kapangyarihang ipinagkaloob sa akin ng batas at bilang pagbibigay-buhay sa layunin ng Saligang-Batas at ng Batas Komonwelt Blg. 570, ay nag-aatas at nagpapahayag na gamitin hangga't maaari, sa lahat nang kagawaran, kawanihan, tanggapan at iba pang sangay ng pamahalaan ang wikang Pilipino sa Linggo ng Wika at gayun din pagkaraan nito, sa lahat nang komunikasyon at transaksyon ng pamahalaan.

NILAGDAAN sa Lunsod ng Maynila, ngayong ika-anim ng Agosto, sa taon ng Ating Panginoon, Labinsiyam na Raan at Animapu't Siyam.