Skip to main content

Ginoong Ramon Marcial

SEC Opinion • Securities and Exchange Commission • Opinions • Nov 26, 2001

Full text

November 26, 2001 SEC OPINION Ginoong Ramon Marcial Pulong Sta. Cruz, Sta. Rosa, Laguna RE : Balibago Pulo Don Jose Tricycle Operators and Drivers Association, Inc. Ginoong Marcial, Ito ay may kaugnayan sa inyong liham nuong ika-19 ng Oktubre 2001 na nagtatanong ng mga sumusunod: 1. Ayon sa inyong pangulo, ang maaari lamang kumandidato bilang trustee ay yaon lamang ipinanganak sa Barangay Pulong Sta. Cruz, Sta. Rosa, Laguna salungat sa isinasaad ng Article II Section 2 ng inyong By-laws; 2. Kung kailangan pang itanong sa mga miembro ng inyong asosasyon kung gusto ipatupad o baguhin ang Article III Section 1 ng inyong By-laws; 3. Kung nararapat ang "direct voting" ng mga miembro para sa posisyon ng mga trustee, presidente at iba pang mga opisyales gayong wala namang pagsusog sa inyong by-laws; 4. Kung nararapat ang "appointment" ng mga Board members ayon sa nahalal na pangulo; 5. Kung nararapat na ang Treasurer ay walang bond; 6. Sinu-sino ang mga may karapatang bumoto sa halalan? Ang mga hindi aktibong miembro (yaong mga miembro na wala nang tricycle unit) ba ay walang karapatang tumakbo at makaboto? 7. Ang isang miembro na kulang ang bayad na membership fee ay maaari bang makaboto? Nais po naming ipabatid sa inyong kaalaman na ang Article II Section 2 ng inyong By-laws ay nagsasaad na ang mga trustees ay nagtataglay ng mga sumusunod na katangian: 1. bonafide residents of Brgy. Pulong, Sta. Cruz, Sta. Ross, Laguna 2. Good moral character 3. Head of the family 4. Good standing in the community 5. No criminal records Ang tinatawag na "bonafide residents" ay yaong mga taong actual na naninirahan sa Brgy. Pulong Sta. Cruz, Sta. Rosa, Laguna na kasalukuyang miembro ng inyong asosasyon. Nangangahulugan lamang na ang isang residente, ipinanganak o hindi ipinanganak sa Brgy. Pulong Sta. Cruz, Sta. Rosa, Laguna, ay maaaring makaboto. Kaugnay ng inyong ikalawang katanungan, ang mga miembro ay hindi na kailangan tanungin sa pagpapatupad ng inyong by-laws dahil ito ay kanilang sinang-ayunan sa pamamagitan ng paglakip ng kanilang lagda at isinumite sa SEC para maaprubahan nuong ika-9 Nobyembre 1992 kasama ng inyong Articles of Incorporation. Kung sakali man na magdesisyon ang inyong Board of Trustees na baguhin ang inyong by-laws, ito ay nararapat na sang-ayunan ng mayorya ng siyam (9) sa inyong Board of Trustees at mayorya ng pangkalahatang miembro ng asosasyon. Ukol sa inyong ika-3 katanungan, ang mga trustees ay hinahalal para maging mga kinatawan ng mga miembro sa iba pang mga aktibidad ng inyong asosasyon. Malinaw na ang eleksyon ng inyong presidente, Bise Presidente, Secretary, Treasurer at Auditor ayon sa Article III Section 1 ng inyong by-laws magbubuhat sa mga nahalal na Board of Trustees. Sa inyong katanungan kung nararapat ang "appointment" ng mga Board members ayon sa nahalal na pangulo, dapat mabatid ng lahat na malinaw na sinasaad sa Section 23 ng Corporation Code of the Philippines na ang Board of Trustees ay dapat ihalal ng mga miembro ng asosasyon. Tanging ang mga miembro lamang ang may karapatan magluklok ng Board members. Samakatuwid, ang kasunduan na ang mga miembro ng Board ay hindi dadaan sa halalan at sa pamamagitan lamang ng "appointment" ay paglabag sa batas at itinuturing na walang saysay. Sa ika-5 ninyong katanungan, malinaw sa sinasabi sa Article IV Section 4 ng inyong by-laws na ang Treasurer ng inyong asosasyon ay dapat maglagak ng bond at ang halaga nito ay ayon sa pagpapasiya ng inyong Board of Trustees. Ang mga miembro lamang ng inyong asosasyon ang may karapatang bumoto sa halalan subalit ang kanilang karapatang bumoto ay mawawala lamang ayon sa pagsunod sa mga alituntunin ng Article VI ng inyong by-laws (probisyon ukol sa Suspension, expulsion and termination of membership). Dahil dito, ang mga miembro na di na aktibo dahil sa wala na silang tricycle unit ay puede pa din na bumoto ayon sa itinalaga ng by-laws. Sa pagwawakas, ang pagboto ng isang miembro na kulang pa ang ibinayad na membership fee ay magdedepende sa pasya ng inyong Board sa isang resolusyon patungkol dito at ito ay dapat alinsunod sa isinasaad ng inyong by-laws. Nawa ay nabigyan naming linaw any inyong mga katanungan. Sumasainyo, (SGD.) FE ELOISA C. GLORIA Commissioner

Ask what this means for your situation

The assistant quotes the passage it relies on and links the source, so you can check every figure it gives you.