Prescribing Market Fee for Every Sack of Mussels Gathered from the Municipal Waters of Navotas to be Sold in Nearby Municipalities and Provinces
Navotas Pambayang Ordinansa Blg. 003-97 • Local Tax Ordinances • Navotas City • May 8, 1997
Full text
May 8, 1997 NAVOTAS PAMBAYANG ORDINANSA BLG. 003-97 NA NAGTATAKDA NG KAUKULANG BUTAW (MARKET FEE) SA BAWAT SAKO NG TAHONG NA INANI SA KARAGATANG NASASAKUPAN NG NAVOTAS, UPANG IPAGBILI SA MGA KARATIG BAYAN AT LALAWIGAN, AT NAGTATAKDA NG KARAMPATANG MULTA SA SINUMANG MANGANGALAKAL NA DITO AY LALABAG SAPAGKAT, tungkulin ng Sangguniang Bayan na humanap ng paraan upang madagdagan ang kita ng kabang yaman ng Navotas, para sa pagpapatuloy ng mga proyektong pangkaunlaran ng bayan; SAPAGKAT, maliban sa "tahong" ang iba pang mga produktong galing sa karagatan ng Navotas ay ipinagbabayad ng kaukulang butaw o buwis bago ito maipagbili sa iba't-ibang pamilihan; SAPAGKAT, ang industriya ng "tahong" ay may malaking bahagi hindi lamang sa mga lokal na pamilihan kundi maging sa mga karatig bayan at lalawigan; SAPAGKAT, ang karagatang nasasakupan ng bayan ng Navotas ay sagana sa yamang dagat tulad ng "tahong". DAHIL DITO, PAGPASIYAHAN na tulad ngayon ay PINAGPAPASIYAHAN ang pagtatakda ng kaukulang butaw (market fee) sa bawat sako ng tahong na inani sa karagatang nasasakupan ng bayan ng Navotas, upang maipagbili sa mga karatig bayan at lalawigan, at nagtatakda ng karampatang multa sa sinumang mangangalakal na dito ay lalabag. SEKSIYON 1. Pamagat . Ito ay makikilala sa pamagat na "Ordinansa na nagtatakda ng kaukulang butaw (market fee) sa bawat sako ng tahong na inani sa karagatang nasasakupan ng Navotas, upang maipagbili sa mga karatig bayan at lalawigan, at nagtatakda ng karampatang multa sa sinumang mangangalakal na dito ay lalabag. SEKSIYON 2. Pagtatakda ng Butaw o Buwis (Market Fee). ang halagang Limang Piso (P5.00) bawat sako ng tahong ay sisingilin bilang 'market fee' sa sinumang mangangalakal na magbibili ng tahong sa nasasakupan ng bayan ng Navotas. SEKSIYON 3. Pagbibigay ng Opisyal na Resibo (Official Receipt). ang Pambayang Ingat Yaman o sinumang may kaukulang permiso (duly authorized representative) ang siyang magbibigay ng kaukulang resibo bilang katibayan ng kanilang binayaran. SEKSIYON 4. Lugar ng Pagbabayaran ng Butaw o Buwis. ang Pambayang Ingat-Yaman ng Navotas ay magtatalaga ng mga taong siyang maniningil ng butaw sa mga lugar na siyang pinaghahanguan o pinag-aanihan ng mga produktong tahong. SEKSIYON 5. Multa sa Paglabag. ang sinumang tao o mangangalakal na lalabag sa itinatadhana ng Seksiyon 2 ng ordinansang ito ay papatawan ng karampatang multa na ayon sa mga sumusunod: Unang Paglabag P50.00 bawat sako Pangalawang Paglabag Pagkumpiska sa kalakal SEKSIYON 6. Pagpapatupad. ang pagpapatupad ng ordinansang ito ay isasagawa ng Punong Bayan katulong ang Tanggapan ng Pulisya at lahat ng departamento na itatalaga ng Punong Bayan para sa ganitong layunin. SEKSIYON 7. Pagkakabisa. ang ordinansang ito ay magkakabisa matapos na ito ay mapagtibay ng Sangguniang Bayan ng Navotas, gayundin ng Punong Bayan at labing limang (15) araw matapos na mailathala sa pahayagang may malawak na sirkulasyon at mapaskil sa Bulwagan ng Pamahalaang Bayan at mga hayag na lugar. Ginawa ngayong ika 8 ng Mayo, 1997, sa panahon ng pangkaraniwang pulong ng Sangguniang Bayan ng Navotas, Kalakhang Maynila. PINAGTIBAY: (SGD.) JAIME A. DELOS SANTOS Pangalawang Punong Bayan/Tagapangulo (SGD.) ULYSSES A. ALONZO Konsehal (SGD.) GERARDO A. PLAMENCO Konsehal (SGD.) REYNALDO M. ABLOLA Konsehal (SGD.) ARNEL S. LUPISAN Konsehal (SGD.) ANTONIO S. TEODORO Konsehal (SGD.) ARMANDO T. ALMOCERA Konsehal (SGD.) EDUARDO P. JAVIER Konsehal (SGD.) DAVID S. PASCUAL Konsehal
Ask what this means for your situation
The assistant quotes the passage it relies on and links the source, so you can check every figure it gives you.